You go unnoticed but you're everywhere, you're in everyone and you make a difference in each person's life. That's the kind of freedom one deserves.

Home » Post Item » Baguio Noon

Baguio Noon

May 9, 2006

            

 

Nag-ayos kami ng kabinet noong isang araw it isang album ang biglang nagpabilis ng tibok ng puso ko. Isang album na puno ng aming mga litrato ng pagpunta namin sa Baguio noong bata pa kami.

Naalala ko itong lugar na to. Tinawag ko itong “biggest playground in the whole world”. Kapag pupunta kami ng Baguio noon yung malaking playground lang ang hinahanap ko. Tumatayo pa rin ang balahibo ko kapag naiisip ko kung gaano ko na enjoy maglaro. Buong araw, kahit sobrang init, wala akong tigil. Sabik kung baga. Pakiramdam ko dito lang ako naging malayang maglaro ng maglaro. Kaunti lang ang naglalaro dito, parang aming-amin lang ang lugar (sobrang mahiyain ako noong bata at di mahilig makipaglaro sa ibang bata, kasama na ang hindi ako marunong makipag-agawan ng puwesto - loser ata ang tawag sa mga ganito). Isa pa, may mga laruan sila na di pa makikita sa Manila noon - wala pa kasing McDonald’s playhouse (ang naalala ko lang yung sa Tropical Hut at Shakey’s… nyak). Tama na ang kuwento.

Ang gusto ko lang naman talaga sabihin ay nalungkot talaga ako ng nawala na ang mga laruang ito sa Camp John Hay (kailan ko lang nalaman na sa Camp John Hay pala ito).  Ang pagkaka-alala ko, yung sumunod na punta namin sa Baguio pagkatapos nito, inalis na raw ang playground (o isinara ang CJH?… ewan). Basta hindi nalang kami ulit nagpupunta sa Camp John Hay. Hanggang Burnham Park nalang. Malaki rin ang playground sa Burnham pero wala sila nung tumatalbog na zebra at yung bahay-bahayan (yung nasa picture). Siguro masyado akong bata noon kaya pinipilit ko pa ring bumalik kami dun sa malaking playground pero wala na talaga. Tumanda na ako at nawalan ng ganang pumunta sa playground ng Burnham. Nagsawa na rin sigurong magyaya sa malaking playground na may Zebra. 

Sa totoo lang, hinahanap-hanap ko pa ring makapaglaro sa tumatalbog na Zebra. Oo, hanggang ngayon. Nabitin ata talaga ako sa paglalaro.

Pero, kada makikita ko ang mga litratong ito, napapangiti ako. Nararamdaman ko ulit ang kaligayahang nararamdaman ng bata kapag nakakakita ng playground. Kahit may halong lungkot dahil sa pagtanggap na matanda na ako (talaga lang), ayokong mawala ang pakiramdam na ito. Isip bata? Ayos lang.

 

Epilogue:

Matapos ang ilang mga taon, nakapunta na ulit ako sa CJH (last year una, kasama ng kaibigan ko) at nakita ko mismo na wala na talaga yung playground - yung mini golf nalang ang natira.

Ngayon ko lang din napagtanto na mahirap pumunta sa CJH, dapat may sasakayan (although di hamak na mas mura at honest ang mga taxi drivers sa Baguio kumpara dito sa Manila) at medyo magastos. 

Sa Camp John Hay pinakamasarap mag Starbucks (oo kahit may kamahalan). Isipin mo, country style ang interior nung lugar, nandun ka sa terrace at nakaupo sa upuang kahoy. Gabi, malamig, foggy, at may kasama kang kaibigan. Nasa senti-mode ka bigla.  May tatalo ba doon?

 

Posted by kath at 11:46 am | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment